Inilunsad ng House of Representatives ang unang LegisHear town hall sa Isabela State University sa Echague, Isabela upang ipaliwanag sa publiko ang proseso ng paggawa ng batas at talakayin ang mahahalagang panukalang batas.
Kabilang sa mga tinalakay ang panukalang KALINGA Act, mga panukalang pagbabago sa Rice Tariffication Law, at ang proseso ng pagbuo ng batas.
Nagkaroon din ng open forum kung saan nakapagbigay ng mga tanong at suhestiyon ang mga dumalo.
Ayon kay House Speaker Bojie Dy, layunin ng LegisHear na marinig ang opinyon ng publiko upang mapabuti ang mga panukalang batas at matiyak na tumutugon ang mga ito sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Sinabi naman ni House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil na ang mga paksang tatalakayin sa bawat LegisHear ay ibabatay sa mga isyung mahalaga sa bawat lalawigan. Sa Isabela, binigyang-diin ang mga usaping may kaugnayan sa agrikultura, kabilang ang Rice Tariffication Law at KALINGA Act.
Nagtapos ang programa sa mga group discussion at konsultasyon kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang makuha ang mga mungkahi ng publiko bago maipasa ang mga panukalang batas.









