-- Advertisements --

Isinusulong ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang pansamantalang pag-alis sa mga singilin sa ATM, online transfer, at remittance fees. 

Inihain ni Marcos ang House Resolution No. 905, kung saan hinimok nito ang mga bangko at financial technology platforms na magbigay ng konsiderasyon upang maibsan ang pasanin ng mga Pilipino sa gitna ng tumataas na bilihin.

Sa kasalukuyan ay umaabot sa 18 piso ang singil sa interbank ATM withdrawal habang umaabot naman sa 25 piso ang bayad sa bawat online transfer. 

Ayon kay Marcos, ang mga maliliit na halagang ito ay malaking kabawasan sa “take-home pay” ng mga manggagawa at sa halaga ng perang ipinapadala ng mga OFW sa kanilang mga pamilya lalo na ngayong tumataas din ang gastos sa pamasahe at kuryente dulot ng krisis sa langis.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang bawat bawas sa bayarin ay dagdag na pondo para sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga kababayan. 

Hiniling din ni Marcos sa Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na pangunahan ang paghikayat sa sektor ng pananalapi na magpatupad ng mga relief measures habang ang mga banko ng gobyerno ay inaasahang magsisilbing halimbawa.

Batay sa resolusyon, naging mas madalas ang paggamit ng publiko sa digital financial services dahil sa mga flexible work arrangements kaya lalong naramdaman ang bigat ng mga transaction fees. 

Naniniwala si Marcos na ang panawagang ito ay hindi lamang tulong pinansyal kundi isang paraan ng pagkamit ng “economic fairness” para sa mga ordinaryong manggagawa, magulang, at mga maliliit na negosyante sa panahon ng krisis.