-- Advertisements --

Ipinagbabawal muli ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagkuha at pagkain ng shellfish mula sa Lianga Bay sa Surigao del Sur dahil sa toxic red tide o Paralytic Shellfish Poison (PSP).

Ayon sa BFAR, nagpositibo na naman sa Paralytic Shellfish Poison ang baybaying dagat na ito.

Maliban dito, nananatili pa ring may red tide toxin ang Dumaguillas Bay sa Zamboanga del Sur, Tantanang Bay sa Zamboanga Sibugay Province, coastal waters ng Zumarraga Island sa Samar, at Matarinao Bay sa Eastern Samar.

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagkain ng lahat ng uri ng shellfish, tulad ng tahong, tulya, at alamang, na galing sa mga baybaying dagat na ito.

Tiniyak naman ng BFAR na ligtas kainin ang mga lamang-dagat na mula sa Parañaque City, Cavite, Bulacan, at Bataan, sa palibot ng Manila Bay, at sa iba pang baybaying dagat sa bansa.