Ipinahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na “all hands on deck” ang gobyerno habang mabilis na tinutugunan ng Kamara ang panukalang batas na magpapahintulot sa pansamantalang suspensyon ng mandatory biofuel blending matapos itong ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr bilang urgent.
Ang House Bill 8469 o Oil Price Stabilization Act ay magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang pansamantalang ipahinto ang biofuel blending kapag ang presyo ng blended fuel ay higit lima porsiyento kaysa sa purong gasolina o diesel, para mapababa ang presyo sa mga pump.
Ayon kay Speaker Dy, ang sertipikasyon ng Pangulo ay nagpapakita ng agarang pangangailangan na protektahan ang mamimiling Pilipino laban sa pagtaas ng presyo ng langis lalo na sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.
Ang panukala ay naglalayong amyendahan ang Section 5 ng Biofuels Act of 2006 at payagan ang Pangulo na suspindihin ang paggamit ng lokal na biofuel hanggang isang taon base sa rekomendasyon ng National Biofuels Board at Department of Energy.
Sa kasalukuyan, ang gasolina at diesel sa bansa ay obligadong may halong bioethanol at biodiesel, ngunit maaaring magpataas ng presyo kapag mahal o kulang ang supply ng biofuel.
Ang pansamantalang suspensyon ay inaasahang makakatulong upang mapanatiling kontrolado ang presyo at matiyak ang sapat na suplay ng enerhiya.
















