-- Advertisements --

Ibinunyag ni Irene Joy Ishida, Department Head of Branch Operations ng Philippine Savings Bank, na may sampung (10) bank accounts ang mag-asawang sina VP Sara at Atty. Mans Carpio sa ilalim ng PS Bank.

Ang mga naturang bank accounts ay naglalaman ng ilang milyong piso ngunit hindi na pinayagan ni Trial Presiding Officer, Sen. Chiz Escudero na maipakita sa public ang total o kabuuang halaga ng pera na nasa ilalim ng mga naturang account.

Nanindigan si Atty. Niña Aguilar, head ng Anti-Money Laundering Division ng Metrobank, na lahat ng mga iniuulat nilang ‘suspicious transactions’ sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay dumadaan sa masusing pagsusuri, at validation.

Ginawa ng bank official ang pahayag kasunod ng tanong ni Sen. Kiko Pangilinan ukol sa kung paano natutukoy ang mga kahina-hinalang bank transactions.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa report ng AMLC na maraming bank transactions nina VP Sara Duterte at Atty. Mans Carpio ang natukoy o nakahanay bilang suspicious transactions.

Ayon kay Aguilar, hindi basta iniuulat ang mga bank transactions bilang ‘suspicious’ at sa halip ay nirerepaso muna ang mga ito para hindi maapektuhan ang bank profiles ng account holders.