-- Advertisements --

Matagumpay na naipamahagi ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga langis, pagkain at iba pang suplay na kailangan ng halos 100 mangingisdang Pilipino na nasa Bajo de Masinloc at Escoda Shoal nitong Lunes, Oktubre 13 sa kabila ng panghaharass ng mga barko ng China.

Ang naturang aktibidad ng PH vessels sa lugar ay parte ng nagpapatuloy na Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM) initiative na naglalayong suportahan ang mahalagang komunidad ng mga mangingisda sa ating bansa.

Sa Bajo de Masinloc, nakaengkwentro ng mapanganib na maniobra at pagharang ang mga barko ng PCG na BRP Teresa Magbanua at BRP Cape San Agustin kasama ang M/V Mamamalakaya at 6 na BFAR patrol boats mula sa 11 China Coast Guard vessels at 11 Chinese Maritime militia vessels, isang People’s Liberation Army-Navy (PLA-N) helicopter at 3 PLA-N vessels na nagpaantala sa pagdadala ng mga suplay.

Sa ibinahaging post ni PCG spokesperson for the WPS Comm. Jay Tarriela sa kaniyang X account, sinabi niyang sa unang pagkakataon, naidokumento ng PCG ang radio challenge ng CCG na nagsasabing ang presensiya umano ng mga bangkang pangisda ng Pilipinas ay maaaring makapinsala sa kanilang tinawag na “environmental reserve”.

Bilang tugon, mariing iginiit ng PCG na ang Bajo de Masinloc ay isang mahalagang parte ng kapuluan ng Pilipinas at tanging ang gobyerno ng Pilipinas lamang ang may awtoridad para magtalaga ng environmental protection areas sa naturang mga katubigan.

Sa may Escoda Shoal naman, naging tensiyonado din ang sitwasyon, kung saan nagdeploy ang CCG ng 10 barko nito at 10 Chinese Maritime Militia vessels, isang PLA-N helicopter at 2 PLA-N vessels at isang high-speed response boat para harangin ang naturang inisyatiba ng panig ng Pilipinas.

Naidokumento naman ng PCG ang akmang pag-activate ng CCG vessels ng kanilang water cannons para takutin ang mga mangingisdang Pilipino.

Subalit hindi natinag dito ang panig ng PH, kung saan inalalayan ng BRP Melchora Aquino at BRP Cabra ang 5 BFAR patrol boats para ligtas na madala ang mga suplay at natapos nang matagumpay ang misyon alas-7:00 ng gabi.