Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Pinagsama ng substitute bill ang 15 panukala at dalawang joint resolution, kabilang ang House Bill 8292 na inihain nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, na layong payagan ang Pangulo na magpatupad ng suspensyon ng fuel excise tax sa panahon ng pambansa o pandaigdigang krisis pang-ekonomiya.
Sa ilalim ng panukala, maaaring ipatupad ang suspensyon kapag umabot o lumampas sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan, o kapag may idineklarang pambansang emergency na nagdulot ng matinding pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ang suspensyon ay maaaring tumagal ng hanggang anim na buwan at maaaring palawigin hanggang sa kabuuang isang taon, ngunit mananatili lamang ang kapangyarihang ito ng Pangulo hanggang Disyembre 31, 2028.
Sa sandaling ipinatupad ang suspensyon, kinakailangan ding magsumite ang Pangulo ng ulat sa Kongreso sa loob ng 15 araw at buwan-buwan.
Ang panukala ay isusumite na sa plenaryo ng Kamara para sa karagdagang deliberasyon.
















