-- Advertisements --

Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng restraint at  de-escalation sa kasalukuyang labanan sa Middle East at sa iba pang bahagi ng mundo.

Sa kaniyang talumpati sa UN General Assembly, ipinunto ng Pangulo na mahalagang itigil ang labanan at igalang ang internasyonal law, kabilang ang United Nations Charter at humanitarian law.

Binigyang-diin din ng Pangulo na dapat bumalik ang lahat ng panig sa negosasyon upang makamit ang kapayapaan. 

Dagdag pa niya, matagal nang nakikiisa ang Pilipinas sa pagpapanatili ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad.

Bilang patunay sinabi ng Pangulo na isa ang Pilipinas sa mga unang bansang tumugon sa panawagan ng United Nations para sa tulong noong Korean war na nagpapakita ng matibay na paninindigan ng bansa sa pagtataguyod ng kapayapaan sa mundo. 

Sa kabilang dako, umapela rin si Pangulong Marcos sa international community na pairalin ang diplomasya, pagpigil sa tensyon, at pagrespeto sa pandaigdigang batas upang matigil ang mga armadong sigalot sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Binigyang-diin ng Pangulo na nahaharap ang mundo sa matitinding hamon tulad ng mga digmaan sa iba’t ibang rehiyon, humanitarian crises, at lumalalang epekto ng climate change.

Aniya, mahalaga ang kooperasyon ng mga bansa upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa pandaigdigang komunidad.

Iginiit ni Pangulong Marcos na matagal nang katuwang ang Pilipinas sa mga peacekeeping mission ng UN, kung saan mahigit 15,000 Filipino troops na ang naipadala sa iba’t ibang bahagi ng mundo upang tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad.

Binigyang-diin din ng Pangulo na patuloy na kikilos ang Pilipinas sa mga usapin ng climate action, humanitarian assistance, at karapatang pantao bilang bahagi ng responsableng pakikilahok nito sa pandaigdigang komunidad.