-- Advertisements --

Ihihirit ng transport group na Manibela ang hanggang P2 na pansamantalang taas-pasahe sa gitna ng mataas na presyo ng langis bunsod ng epekto ng kaguluhan sa Middle East.

Ipinaliwanag ni Manibela chairperson Mar Valbuena na ang naturang hakbang sana ang kanilang last resort sakaling mabigyan sila ng ayuda at mabawasan ang excise tax at masuspinde ang value added tax (VAT).

Subalit, muli na nanaman aniyang magtataas ng nasa P15 sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo kayat panahon na aniya para sumama na rin silang manawagan para sa pansamantalang taas-pasahe na P1 o P2.

Sinabi pa ni Valbuena na maraming tsuper ang nawawalan ng P400 hanggang sa P500 na arawang kita dahil sa kamakailang pagsipa ng presyo ng langis.

Napilitan na rin ang ilang tsuper ng mga pampublikong transportasyon na i-adopt ang alternatibong schedules sa pamamasada para maiwasan ang agawan ng mga pasahero lalo na kapag hindi peak hours kung saan kakaunti ang mga pasahero.

Iginiit din ng grupo na hindi sapat ang P5,000 na fuel subsidy ng gobyerno.