-- Advertisements --

Binigyang-diin ng National Security Council (NSC) na ang mga hakbang ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) ay hindi dapat ituring na banta sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon.

Ito ay kasunod ng banta ng China na may “consequences” daw ang mga hakbang ng Pilipinas sa WPS.

Ayon kay National Security Adviser Eduardo Año, ang Pilipinas ay hindi sangkot sa pananakot, pangha-harass, o agresyon sa karagatan.

Sa halip, ipinapakita ng hukbong-dagat ng Pilipinas, coast guard, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mahinahon ngunit matatag na pagtindig para sa ating karapatan at hindi tayo ang nambubully.

Binanggit din ng opisyal ang isang survey na nagpapakita na 76% ng mga Pilipino ay sumusuporta sa pagtatanggol ng karapatang pandagat ng bansa sa WPS, 85% ang walang tiwala sa China at 74% ang itinuturing ang Beijing bilang pinakamalaking banta sa Pilipinas dahil sa agresibong kilos nito sa WPS at mga isyung kriminal na kinasasangkutan ng ilang Chinese nationals.

Giit ni Año, mananatiling matatag ang gobyerno sa pagtatanggol sa ating soberanya batay sa international law tulad ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa Philippine Maritime Zones Act, na tumutukoy sa ating mga boundaries sa karagatan.

Patuloy rin aniya ang pagpapalakas ng depensa at maritime capabilities ng bansa, pati na ang mga alyansa sa mga kaalyadong bansa.

Nilinaw rin ni Año na ang mga joint patrols at military exercises, tulad ng kamakailang Exercise ALON 2025, ay bahagi ng regular na kooperasyon sa mga kaalyado upang tiyakin ang kalayaan at kaayusan sa Indo-Pacific.

Sa huli, ipinunto ng NSA na malinaw ang boses ng sambayanan na ang pagtatanggol sa West Philippine Sea ay hindi lamang polisiya ng gobyerno kundi ito ay pambansang layunin.