Ibinunyag ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakapag-rescue ito ng isang bangkang pangisda matapos umanong harasin at harangan ng mga barko ng China malapit sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) sa West Philippine Sea.
Ayon sa PCG, nangyari ang insidente nitong Enero 12 nang tangkaing pumasok ng bangka sa isang pangisdaan sa kanlurang bahagi ng shoal. Isang barko ng People’s Liberation Army Navy at isang China Coast Guard vessel ang sumindi ng sirena at humarang sa ruta ng bangka mga 16 nautical miles mula sa shoal.
Dahil dito, lumihis ang kapitan ngunit patuloy umanong sinundan ng China Coast Guard. Rumesponde ang BRP Cape San Agustin at kinuha ang kapitan para bigyan ng medikal na atensiyon at makuha ang buong ulat. Nakunan din ng PCG ng photo at video ang umano’y mapanganib na maniobra ng Chinese vessels.
Nagbigay ang PCG ng diesel fuel sa bangka para maipagpatuloy ang pangingisda. Wala pang pahayag ang Beijing, na dati nang iginiit na proteksiyon lamang ng kanilang “rights” ang kanilang aksiyon.
Sinabi ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na nananatiling committed ang PCG sa pagprotekta sa mangingisdang Pilipino alinsunod sa UNCLOS at 2016 Arbitral Award. (report by Bombo Jai)















