Nagpapatuloy sa ngayon ang search, rescue, at retrieval operations sa Binaliw Landfill nitong lungsod ng Cebu na gumuho kahapon ng hapon kung saan 38 indibidwal ang nananatiling missing.
Sa pinakahuling ulat ng City Government, may kabuuang 110 empleyado ang naapektuhan ng insidente.
Labindalawa na ang na-retrieve at agad na isinugod sa ospital para sa gamutan – 7 ang ginagamot sa Visayas Medical Center at lima sa NorthGen Hospital.
Nagpaabot na rin ng burial assistance at iba pang kinakailangang tulong ang pamahalaang lungsod sa pamilya ng nasawing biktima na isang 22 anyos na babae.
Masinsinan ang paghahanap ng mga rescue team na binubuo ng iba’t ibang ahensya at mga katuwang na grupo, na mahigpit na sumusunod sa mga safety protocol.
Naka-deploy rin ang daan-daang personnel, kasama ang mga ambulansya, fire trucks, at lighting equipment upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon kahit sa gabi.
Kasabay nito, nagbibigay ang lokal na pamahalaan ng suporta sa mga pamilya ng mga biktima, kabilang ang pagtatayo ng mga tent sa site at pagbibigay ng regular na update sa kalagayan ng operasyon.
Tiniyak din ng City Government na patuloy ang medikal na atensyon sa mga naospital at ang kinakailangang tulong sa pamilya ng nasawi, habang isinasagawa ang inter-agency coordination upang matukoy ang mga susunod na hakbang.
















