Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kahapon, Sabado ang patuloy na operasyon ng Oplan Kontra Baha (OKB) sa Naga City, bilang patunay ng matibay na paninindigan ng administrasyon na tugunan ang matagal nang problema sa pagbaha sa bansa.
Pagdating sa Naga City, unang binisita ng Pangulo ang Jesse M. Robredo Coliseum bago nagtungo sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo upang personal na inspeksyunin ang mga isinasagawang dredging, paglilinis ng basura, at clearing operations sa lugar.
Kasama ni Pangulong Marcos sa inspeksyon si Naga City Mayor Maria Leonor Robredo, Kalihim Vince Dizon ng Department of Public Works and Highways at mga opisyal ng local government.
Sa panayam sa media, sinabi ng Pangulo na bahagi ang mga dredging at cleanup activities ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na resolbahin ang paulit-ulit na pagbaha sa mga lugar sa paligid ng Bicol River Basin.
Binanggit din ng Pangulo ang matinding siltation o naipong putik na lubhang nagpababaw sa ilog at nagpapababa sa kapasidad nitong magdala ng tubig, dahilan ng madalas na pagbaha sa lugar.
Ayon kay Pangulong Marcos, base sa sinabi ni Mayor Robredo, may mga lugar na dati ay hindi binabaha ngunit ngayon ay naaapektuhan na, dulot ng mga pagbabagong pangkapaligiran at mas pinalalang epekto ng climate change.
Binigyang-diin ng Pangulo na determinado ang pamahalaan na tugunan ang problema sa pagbaha sa lungsod, bagama’t inamin niyang mangangailangan ito ng komprehensibo at pangmatagalang solusyon.
Matapos ang Sagop Creek, nagtungo rin ang Pangulo sa Sitio Magaya-gaya Creek sa Barangay Concepcion Pequeña upang inspeksyunin ang isinasagawang dredging at clearing operations sa lugar.
Nagsimula ang OKB operations sa Naga City noong Pebrero 18, 2026 at inaasahang matatapos sa Hulyo 31, 2026. Saklaw ng proyekto ang 29 na ilog at sapa at dalawang lawa, na may kabuuang dami ng tubig na 26,621,370.51 cubic meters.
Kasama rin sa proyekto ang paglilinis at clearing ng drainage system ng lungsod na may habang 250.51 kilometro, kung saan tinatayang 75,152.19 cubic meters ng sediment ang aalisin.
Upang suportahan ang mga operasyong ito, nag-deploy ang DPWH at ang lokal na pamahalaan ng 27 dredging units, 30 dump trucks, at 1,525 personnel na may kumpletong protective gear.
Ang Oplan Kontra Baha ay isang patuloy na inisyatiba ng administrasyong Marcos upang mabawasan ang pagbaha at maprotektahan ang mga komunidad sa buong bansa sa pamamagitan ng mas maayos na pamamahala ng mga daluyan ng tubig at drainage systems.
Kasalukuyan ding isinasagawa ang mga operasyon nito sa Metro Manila, Cebu, at Bacolod.
















