Pinayuhan ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Caritas Philippines Episcopal Commission on Social Action, Justice & Peace (ECSA-JP) President Bishop Gerardo Alminaza ang mga pamilya ng mga biktima ng drug war na magpakatatag at lakasan ang loob, kasabay ng nakatakdang pagsisimula ng confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Pebrero 23.
Sa misang ginanap sa Our Lady of Remedies Church sa Malate, Maynila, na pinangunahan ni Bishop Alminaza para sa mga biktima, hinimok niya ang mga pamilya na manatiling matibay habang gumugulong ang proseso ng hustisiya para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Aniya, mahalagang manindigan ang mga pamilya sa pagsasabi ng katotohanan tungkol sa nangyari sa ilalim ng kontrobersyal na drug war. Dagdag pa ng obispo, kailangan nila ng sapat na lakas ng loob dahil sa patuloy na pananakot at pangungutya—marami sa mga ito ay nagmumula sa mga tagasuporta ng dating pangulo.
Nag-alay din ng panalangin si Bishop Alminaza para sa mga biktima, umaasang mabibigyan ang kanilang pamilya ng lakas upang harapin at tanggapin ang anumang magiging resulta ng pagdinig.
Binigyang-diin niya na kaisa ang CBCP sa bawat Pilipinong naghahanap ng hustisiya, lalo na ang mga biktima ng extrajudicial killings na matagal nang nananawagan. Tinukoy din niya ang ICC bilang isang angkop na forum na nagbibigay ng pag-asa para sa mga biktima at sa mga Pilipinong patuloy na nakikipaglaban para sa proteksyon ng karapatang pantao.












