-- Advertisements --

Kasabay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, hinimok ni Cebu Archbishop Alberto Uy ang mga Cebuano na isantabi ang kulay ng pulitika at higit pang paigtingin ang pagkilos para sa ikabubuti ng bansa.

Sa kanyang homiliy sa banal na misa sa Basilica Minore del Santo Niño de Cebu, sinabi ni Uy na itinuro ng EDSA na may hangganan ang kapangyarihan, mananagot sa tamang panahon ang mga umaabuso nito, at ang tunay na lakas ng bansa ay nagmumula hindi sa armas kundi sa moral na tapang ng mamamayan.

Gayunman, binigyang-diin ni Uy na makalipas ang apat na dekada, nananatiling napapanahon ang panawagan ng EDSA dahil nalalagay pa rin sa panganib ang kalayaan ng marami, lalo’t patuloy na hinahamon ang bansa ng kahirapan, korapsyon, at mga sistemang pumapabor sa iilan.

Binigyang-diin pa ng arsobispo ang pangangailangan ng pananagutan sa pamamahala, makatarungang sistema ng hustisya, at mas maingat na pagpili ng mga lider.

Tinukoy rin niya ang epekto ng patronage politics at political dynasties sa patuloy na suliranin ng korapsyon.

Hinimok din niya ang mga mananampalataya na isabuhay ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kongkretong pagkilos kabilang ang pagtalikod sa panunuhol at bilihan ng boto, paglayo sa anumang ilegal na gawain, at aktibong pangangalaga sa kalikasan.

Para umano kay Archbishop Uy, ang paggunita sa EDSA ay hindi lamang alaala ng nakaraan kundi isang pagpili kung anong uri ng bansa ang nais itayo at kung anong kinabukasan ang iiwan sa susunod na henerasyon.