Kapansin-pansin umanong pinaghandaan ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga argumento laban sa prosecution.
Ito ay kasunod ng presentasyon ng lead legal counsel na si Nicholas Kaufman ng kanilang sagot sa mga inilatag ng prosecution sa unang dalawang araw ng confirmation of charges hearing ng dating pangulo.
Ayon kay University of the Philippines College of Law senior lecturer Atty. Lee Edson Yarcia, halatang pinaghandaan ng defense panel ang kanilang presentasyon dahil nagawa nitong maglahad ng mga puntong kailangang sagutin ng prosecution panel.
Kabilang dito ang pagtukoy ni Kaufman sa umano’y paggamit ng prosecution ng ilang circular, directives, at memo na inilabas ng Philippine National Police noong panahon ng drug war na “selective” o hindi isinama ang buong nilalaman at kahulugan.
Inihalimbawa rin ni Yarcia ang mga direktiba ni Duterte na iprinisenta ni Kaufman, kung saan inutusan ang mga pulis na gumamit lamang ng puwersa kung nalagay sa panganib ang kanilang buhay—taliwas sa claim ng prosecution.
Gayunpaman, binalikan din ni Yarcia ang presentasyon ng prosecution, kung saan nagawa umano ng panel na magpakita ng sapat na ebidensya na nagsasabing si Duterte ang nagbigay ng utos para sa malawakang patayan.
Kabilang dito ang mga video ng kanyang mga talumpati kung saan inaako ng dating pangulo na siya ang nagbigay ng order, nag-utos sa operasyon, at nagbigay ng ultimatum sa ilang “illegal drugs personalities” na kinalaunan ay nasawi sa mga police operation.
















