BUTUAN CITY – Matatapos sa Linggo, Pebrero a-22, ang apat na araw na Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)–Episcopal Commission on Family and Life National Conference 2026 na ginanap dito sa lungsod ng Butuan na inorganisa ng Episcopal Commission on Family and Life ng CBCP at pinangasiwaan ng Diocese of Butuan bilang host.
May tema itong “The Power of Presence: Cultivating a Culture of Love and Accompaniment.”
Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Fr. Glenn Adam Abamonga, tagapagsalita ng Diocese of Butuan, na pinagsama-sama ng naturang kumperensya ang mga boluntaryo at direktor na kumikilos sa Family and Life Ministry, kabilang na ang mga bagong opisyal ng CBCP sa pamumuno ni CBCP President Archbishop Gilbert Garcera.
Layunin ng kumperensya na muling bigyan ng panibagong lakas ang Family and Life Apostolate at ipadama na hindi sila nag-iisa sa misyon ng paghubog sa pamilya.
Mahalaga rin ito dahil nagsagawa sila ng “conversation in the spirit” na sinimulan noon ni Pope Francis, na naglalayong magbahagi ng kanilang karanasan at makinig sa Espiritu Santo upang makahanap ng dagdag na paraan sa pagtugon sa pangangailangan ng pamilya sa kasalukuyan.
















