KALIBO, Aklan — Inanunsyo ng Aklan Police Provincial Office ang pansamantalang pagsuspinde ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) bilang bahagi ng paghahanda sa seguridad para sa 2026 ASEAN Summit Meetings sa Isla ng Boracay sa bayan ng Malay, Aklan.
Ayon kay P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng APPO na magsisimula ang suspensyon at pagbabawal alas-12:01 ng madaling araw ng Pebrero 28, 2026 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Marso 8, 2026, gayundin sa Marso 21 hanggang 28, Setyembre 17 hanggang 27 at sa Nobyembre 14 hanggang Nobyembre 22.
Saklaw ng suspensyon ang mga miyembro ng gun clubs, mga dealer, manufacturer at repair shop ng baril, at mga pribadong may-ari ng baril.
Maglalagay din ang kapulisan ng mga checkpoint sa mga pangunahing kalsada, pantalan, at sa paliparan ng Caticlan upang masusing mabantayan ang pagpasok at paglabas ng mga tao at sasakyan sa isla.
Palalakasin din ang presensya ng pulisya sa mga hotel, resort, at iba pang lugar na pagdarausan ng mga aktibidad ng summit.
Tanging mga miyembro ng PNP, Armed Forces of the Philippines, at iba pang law enforcement agencies na nakauniporme at nasa opisyal na tungkulin lamang ang pinahihintulutang magdala ng baril sa nasabing panahon.
Sinabi pa ni Capt. Ayon na bahagi ang hakbang na ito ng pinaigting na seguridad upang matiyak ang kapayapaan, kaligtasan, at kaayusan ng publiko sa panahon ng ASEAN Summit 2026.
Hinihikayat ang publiko na makipagtulungan at mahigpit na sumunod sa nasabing direktiba.
Nabatid na naging matagumpay ang inilatag na security plan ng Police Regional Office 6 sa isinagawang ASEAN Senior Economic Officials’ Meeting (SEOM) Retreat noong December 10 hanggang 13, 2025.
















