SILG REMULLA, HINAMON ANG VELASCO COUPLE NA UMUWI AT SUMAILALIM SA POLYGRAPH TEST
LOOPS: REMULLA, LORD ALLAN VELASCO, DUTERTE FAM, GRACIOSO, SC
Hinamon ni Interior Secretary Jonvic Remulla sina dating House Speaker Lord Allan Velasco at ang asawa nito na umuwi sa Pilipinas at sumailalim sa polygraph o lie detector test kaugnay ng mga alegasyong nag-uugnay sa kanila sa umano’y cash deliveries sa pamilya Duterte.
Ayon kay Remulla, nasa Niseko, Japan umano ang mag-asawa mula nang umalis sa Pilipinas noong Agosto 30. Iginiit niyang sumailalim din sila sa parehong pagsusuri na ginawa kay dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr.
Si Gracioso ay nag-alega sa kaniyang affidavit na naghatid siya ng mahigit P2 bilyong cash kina Vice President Sara Duterte at iba pang miyembro ng pamilya Duterte, umano’y sa utos ni Velasco.
Sinabi ni Remulla na nakapasa umano si Gracioso sa ikalawang polygraph test na isinagawa ng NBI, ngunit nilinaw niyang hindi ito awtomatikong patunay sa korte at kailangan pa ring beripikahin ang mga alegasyon.
Samantala, ayon sa Supreme Court, hindi maaaring ituring na ebidensiya ng guilt o innocence ang resulta ng polygraph dahil wala pa itong sapat na scientific acceptance bilang maaasahang paraan ng pagtukoy sa katotohanan o panlilinlang.
















