-- Advertisements --

Na-rescue ng mga awtoridad ang suma-total na 33 wildlife species sa isang operasyon kontra-ilegal wildlife trade sa Taytay, Palawan nitong Biyernes, Setyembre 25.

Apat na indibidwal ang arestado matapos mabisto ang mga ito sa isinagawang controlled transaction ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), kabilang ang City Mobile Force Company (CMFC), Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Police Station 1, Peace and Security Cluster (PSC), at Special Forces – AFP, matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa umano’y ipinagbabawal na pagbebenta ng wildlife species.

Sa isinagawang operasyon, nagpanggap bilang buyer ang isang tauhan ng PCSD upang matuntunan ang mga suspek sa ilegal na trade, kung saan bumili ito ng isang live turtle sa Puerto Princesa International Airport.

Sumunod namang mangyari ang controlled transaction ng PCSD para sa isang Palawan peacock-pheasant sa Sitio Ibangley, Brgy. Abunan sa Taytay. Dito na naaresto ng awtoridad ang apat na lalaki sa likod ng ilegal na trade at natagpuan ang 33 live wildlife species.

Nasagip ng awtoridad ang isang Palawan stink badger, walong blue-naped parrots, 20 live turtles, dalawang live otters, isang adult lizard, kabilang ang nasabing Palawan peacock-pheasant.

Kasama sa mga narekober ng pulisya ang P16,000 cash ng buy-bust money, ilang mga cellphone, at isang pulang hatchback na sasakyan.

Agad dinala sa tanggapan ng PCSD ang mga nasasakdal kabilang ang mga ebidensiyang nakumpiska sa operasyon para sa dokumentasyon.

Ipinakita naman ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang kanilang suporta at dedikasyon upang pangalagaan at protektahan ang kalikasan at likas na yaman ng lalawigan at ipinahayag na bukas ang mga ito na makipag-ugnayan sa mga kaakibat na ahensiya upang siguraduhin ang pagpapairal ng mga batas pangkalikasan.

“This operation shows what can be achieved through strong coordination and timely action among our partner agencies. We will continue to support and participate in lawful operations that protect Palawan’s wildlife and ensure the enforcement of environmental laws,” ani PNP Puerto Princesa City Director PCol. Vincent C. Templo.

Samantala, nakatakda namang hainan ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang apat na suspek.