Ikinagulat ng abogadong si Atty. Ernesto Francisco Jr. ang naging resolusyon ng Kataas-taasang Hukuman sa kanyang petisyon inihain kamakailan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Francisco, ikinagulat aniya nang ibasura ng Korte Suprema ang petisyon ukol sa ‘voting threshold’ ng Senate Impeachment Court.
Ayon sa petisyuner, hindi umano niya inaasahan ang agaran aksyon ng korte sapagkat akala niya’y mauuna munang pasagutin ang mga respondents.
Habang kanyang ibinahagi na sa kasalukuyan ay wala pa siyang natatanggap na kopya ng resolusyon at tanging ‘press statement’ ng korte pa lamang ang nababasa.
Magugunitang sa naganap na En Banc Session ng Korte Suprema kamakailan ay ibinasura nito ang tatlong magkakahiwalay na petisyon nina Atty. Francisco, dating Executive Secretary Vic Rodriguez, at Berteni Cataluña.
Kapwa nila kinukwestyon ang naging interpretasyon ng Senate Impeachment Court sa kinakailangan ‘two-thirds vote’ para magkaroon ng ‘conviction’ sa isang ‘impeachment case’.
Ngunit ayon sa Korte Suprema, kulang o hindi sapat ang ‘legal standing’ ng mga petisyuner at ‘premature’ ang kanilang petisyon kaya’t ibinasura.
Gayunpaman, naniniwala si Atty. Francisco na base sa ilang kaso sa hukuman ay maari naman ‘i-relax’ ang standing ng mga petisyuner.
Bunsod nito’y ikinukunsidera ni Atty. Francisco ang paghahain ng ‘motion for reconsideration’ sa Korte Suprema upang kontrahin ang mga naging ‘grounds’ sa pagkakabasura ng kanyang petisyon.
Hihintayin pa muna aniya ang buong kopya ng resolusyon para mabasa ito at mapag-aralan bago maghain ng mosyon sa hukuman.










