Itinuring bilang mapayapa at matagumpay ng Philippine National Police ang naganap na Traslacion ng Poong Jesus Nazareno ngayong taon.
Sa panayam kay National Capital Region Police Office Chief Maj. Gen Anthony Aberin, kanyang positibong ibinahagi ang naging ‘initial assessment’ sa naturang pagdiriwang.
Aniya’y ‘generally peaceful’ kung ilalarawan ang kabuuang selebrasyon ng kapistahan ng Poong Jesus Nazareno 2026.
Kaya naman sa pagtatapos nito’y kanyang binigyang pagkilala at binati ang mga kapulisan sa matagumpay na pagganap ng kanilang papel o naging ‘role’ sa traslacion.
Sa kabila ng mga hamon at pinagdaanan sa pag-usad ng mahabang prusisyon, kanyang ikinatuwa na ang imahe ng Poon ay muling naibalik na sa simbahan ng Quiapo.
Kaugnay nito’y aminado ang naturang opisyal na nahirapan ang mga miyembro ng kapulisan partikular sa paghila ng andas.
Ani kasi niya’y nabalahaw ito nang dumaan at tahakin ang ruta sa kalsada ng Arlegui Street sapagkat sumasadsad ang andas sa sahig.
Positibo din niyang ibinahagi na walang mabigat na krimen o major crime incident na nangyari habang abala ang lahat sa pagdiriwang ng pista.
Sa kasaysayan ng naturang pagsasagawa ng prusisyon, ngayong taon ang maituturing na pinakamahaba o pinakamatagal na Traslacion.
Buhat nang mag-umpisa ito kahapon, ika-siyam ng Enero sa Quirino Grandstand, sa oras na alas-kwatro ng madaling araw, umabot sa 30-oras at 50-minuto bago nakarating pabalik ng Simbahan.















