Inaasahang makakaranas ng maulap na panahon na may mataas na posibilidad ng pag-ulan bukas, Enero 9 mula umaga hanggang tanghali, kasabay ng pagdaraos ng taunang Traslacion, ayon sa state weather bureau.
Sa weather forecast, iniulat ng bureau na mararanasan ang “medyo maulap na kalangitan” mula alas-12:00 ng madaling araw hanggang alas-9 ng umaga, maulap na papawirin naman mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon at muling mararanasan ang medyo maulap na kalangitan mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi at bahagyang maulap na papawirin mula alas-9:00 ng gabi hanggang alas-12 ng madaling araw ng Sabado.
Ayon sa state weather bureau, may 50 porsyentong uulan bukas mula alas-12:00 ng madaling araw hanggang alas-6:00 ng umaga, na may posibilidad na bumaba sa 30 porsyentong uulan mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga.
May 90 porsyentong uulan naman mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga debotong makikiisa sa Traslacion na magdala ng panangga sa ulan tulad ng payong at kapote.
Nagpaalala rin ang Department of Health (DOH) sa mga deboto hinggil sa safety at health measures para matiyak ang mapayapa at maayos na selebrasyon ng kapiyestahan ng Hesus Nazareno.
Kabilang dito ang paghimok sa mga deboto na magdala ng tubig, towel, sanitizer at maintenance medication kung meron man.
Pinapayuhan din ang mga deboto na huwag magtulakan, iwasan ang pagsampa sa andas at manatili sa inyong grupo o mga kasama upang maiwasang maihiwalay o mawala.
















