Nilinaw ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ng DND nitong Martes, Marso 3, na walang batayan ang pangamba na ma-involve ang Pilipinas sa alitan ng US at Iran.
Ayon sa kalihim, iba ang seguridad ng bansa kumpara sa Gitnang Silangan at ang mga alyansa ng Pilipinas ay para lamang sa depensa at dissuasive purposes.
Tinuligsa rin ni Teodoro ang pabago-bagong polisiya ng nakaraang administrasyon sa depensa at iginiit na mahalaga ang matibay na internasyonal na alyansa para sa pambansang katatagan.
Aniya, “walang batayan” at nakabase lamang sa “maling palagay” ang paghahambing ng sitwasyon sa Middle East sa Indo-Pacific.
Sa kabila naman ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, tiniyak ng Defense Chief na wala itong direktang banta sa seguridad ng Pilipinas.
Gayundin, nananatiling alerto ang DND, kasama ang Department of Migrant Workers at Department of Foreign Affairs, para sa kaligtasan at posibleng repatriation ng mga OFW sa Gulf region.
















