Nagpahayag ng buong suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. matapos siyang pagbawalan ng China na makapasok sa bansa at makipagtransaksyon sa mga Chinese entity, kasama ang kanyang pamilya.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang mga pahayag ni Teodoro ay simpleng pagtatanggol sa karapatan at interes ng Pilipinas at malinaw na nakabatay sa internatinal law at sa 2016 Arbitral Award.
Iginiit din ni Trinidad na ang sanctions ay isang pagtatangkang manakot at patahimikin ang mga nagsisiwalat ng umano’y ilegal at mapilit na mga aksyon ng China sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng AFP na ang hakbang ng China ay hindi lamang laban kay Teodoro kundi isang pagtatangkang pahinain ang lehitimong paggamit ng Pilipinas ng mga sovereign rights nito.
Tiniyak din ng militar na magpapatuloy ang kanilang maritime at aerial patrols, pagprotekta sa mga mangingisdang Pilipino, at pagtatanggol sa soberanya at maritime rights ng bansa sa West Philippine Sea.
















