-- Advertisements --

Pinalagan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. bilang “walang basehan” at “katawa-tawa” ang claim na pagmamay-ari ng China ang Batanes.

Ayon kay Teodoro, nakababahala na pinaniniwalaan ito ng mga mamamayan ng China dahil sa matinding brainwashing, kaya marapat lamang itong labanan.

Hinimok din ng kalihim ang mga akademiko na agad tutulan ang tinawag niyang “kalokohan” na teorya.

Ginawa ng DND chief ang pahayag matapos lumabas ang mga ulat na may ilang mananaliksik mula sa unibersidad at institusyon ng China ang nagdeklarang walang legal at historikal na basehan ang kontrol ng Pilipinas sa Batanes.

Ipinapalagay din umano ng scholars na ang Batanes ay extension lang ng Taiwan na inaangkin ng China.

Ayon kay Teodoro, pinapatunayan nito ang hinala niyang plano ng China na kontrolin ang Pacific Ocean. Dagdag pa niya, ang mga false claim na ito ay lalong magpapatibay sa nagkakaisang aksyon laban sa iresponsableng asal ng Beijing.

Sinegundahan naman ito ni National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela. Babala ni Tarriela, kapag hinayaan at hindi pinatulan ang kasinungalingan ng China, uulitin lang nila ito para muling baguhin ang kasaysayan.