Hinamon ni Vice President Sara Duterte si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na pangalanan ang mga opisyal ng gobyerno na umano’y “pro-China” o nagtatanggol sa Beijing kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag ngayong Huwebes, Agosto 6, 2026, sa Davao City. Ito ay matapos magpahayag si Teodoro na dapat magbitiw na lamang sa puwesto ang mga opisyal ng pamahalaan na hindi sumusuporta sa polisiya ng Pilipinas at kumakampi sa China.
Binigyang-diin ng bise presidente na hindi pwedeng magbitaw ng ganoong seryosong salita o akusasyon si Teodoro nang walang binabanggit na partikular na pangalan o listahan ng mga opisyal.
Ayon kay VP Sara, ang pagbato ng pangkalahatang akusasyon nang walang pinatutungkulan ay nagdudulot lamang ng maling hinala at espekulasyon laban sa ibang mga opisyal na walang kinalaman.
Idinagdag pa ng bise presidente na dahil malabo at walang tinukoy na indibidwal si Teodoro, maaari pa ngang mapabilang maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga paghinalaan ng publiko.
Bago ang hamon ni VP Sara, una nang binatikos ng kaniyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte si Secretary Teodoro.
Sinabihan din ng mambabatas ang kalihim na itigil na gawing demonyo ang China at hinimok na itigil ang pagpapatupad ng isang uri ng “loyalty test” sa mga opisyal.
Sumagot naman ang Malacañang noong Lunes, Agosto 3, at hinamon din ang mga opisyal na may kaparehong sentimyento kay Rep. Pulong na lumabas at magpakilala upang malaman ng taumbayan kung sino ang tunay na tapat sa Pilipinas.
Dinepensa naman ni Teodoro ang kaniyang panig at sinabing tungkulin lamang ng mga opisyal na itaguyod ang polisiya ng estado sa ilalim ng Administrative Order No. 29.
















