-- Advertisements --

Nilinaw ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang kaniyang pahayag na magbitiw sa tungkulin ang mga opisyal ng gobyerno na hindi sumusuporta sa paninindigan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang pahayag, giit ng kalihim na hindi maaaring piliting mag-resign ang isang opisyal dahil lamang sa sarili nitong opinyon o paniniwala, dapat ay may paglabag sa batas o regulasyon.

Binigyang-diin niya na ang polisiya sa WPS ay nakasandig sa Administrative Order 29 series of 2012 na nagtatalaga sa mga maritime area sa kanlurang bahagi ng bansa bilang WPS, kaya bahagi ito ng batas ng bansa.

Ayon kay Teodoro, ang lahat ng opisyal ng pamahalaan ay nanumpa na susunod at magtatanggol sa Saligang Batas at mga batas ng Pilipinas.

Kaugnay nito, sinabi ng DND chief na kung ang isang opisyal ay hindi sumasang-ayon sa opisyal na paninindigan ng Pilipinas, mayroon silang dalawang legal na opsyon: Maaari nilang iakyat sa korte ang usapin upang ipadeklara na labag sa Konstitusyon ang naturang batas o polisiya. subalit hangga’t wala aniyang desisyon ang korte, obligado silang sumunod sa batas.

Kung hindi umano ito kaya ng kanilang konsensya, ang tanging opsyon ay ang mag-resign.

Mahalaga aniya ito ngayong naghain na ang Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng makasaysayang extended continetal shelf para maisama ang mga katubigan sa paligid ng Bajo de Masinloc o Panatag Shoal, na bahagi ng West Philippine Sea sa ilalim ng A.O 29.

“Are they not supporting this? If not, then what is their sworn duty? Are they opposing this move before the UN? If they do, they must state this clearly and by doing so they will have left a mark in our history and they will be remembered by future generations, our people, soldiers, and most especially they will have never been forgotten in Masinloc, Zambales where the fishermen are most affected by China’s illegal and fabulist activities call home,” tanong ng DND chief.

“How will they be remembered? I guess the answer is obvious,” dagdag pa ni Teodoro.

Binatikos din ni Teodoro ang mga maling ulat o “headlines” na nagmamanipula at nagbibigay ng maling pakahulugan sa kaniyang mga naunang pahayag.

Kayat hinimok niya ang publiko na basahin ang kaniyang buong pahayag upang huwag maging biktima ng maling impormasyon.