-- Advertisements --

Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines ang alegasyong karamihan sa mga heneral nito ay naghahanda umanong magsampa ng reklamo laban kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.

Sa briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, na walang basehan ang naturang pahayag at isa itong “biro” na hindi dapat seryosohin.

Itinanggi rin niya ang umano’y tensyon sa pagitan ni Teodoro at ng liderato ng militar.

Ang isyu ay lumitaw matapos magsampa ng reklamong perjury at falsification ang isang abogado laban kay Teodoro kaugnay ng umano’y Maltese passport nito.

Iginiit din ng abogado na may mga heneral umanong nagbabalak magsampa ng kaparehong kaso.

Samantala, sinabi ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na hindi papatol ang AFP sa mga walang basehan at hindi beripikadong alegasyon.

Binigyang-diin niyang nananatiling propesyonal, disiplinado, at walang kinikilingang organisasyon ang AFP.

Aniya, patuloy na sinusuportahan ng AFP si Teodoro bilang Defense Secretary at wala ring isinasagawang loyalty check sa hanay ng militar.

Nauna na ring sinabi ng DND na nakabatay lamang sa hindi beripikadong alegasyon ang reklamo laban kay Teodoro.