Inihayag ng National Bureau of Investigation na kanilang iimbestigahan ang notaryo sa isinumiteng joint-affidavit ng 18-nagpakilalang mga dating sundalo sa Office of the Ombudsman.
Sa panayam, ibinahagi ni NBI Dir. Atty. Melvin Matibag na sisilipin ng kawanihan maging ang pagkakanotaryo sa salaysay ng mga ito.
Nais aniya raw kasi nilang masuri at matingnan ang relasyon sa pagitan ng nagnotaryo at mga dating sundalo pati ang nasa likod na nagtutulak sa kanilang mga akusasyon.
Habang kanya namang sinegundahan ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na dapat ay mayroon magkakahiwalay na salaysay ang mga ito.
Pinagdudahan kasi ni NBI-Chief Matibag kung bakit nakapaloob sa iisang ‘joint-affidavit’ ang nalalaman ng 18-dating sundalo.
Naniniwala ang opisyal na ang ‘affidavit’ ay mula sa personal na kaalaman ng isang indibidwal at mahirap matukoy kung sa maramiha’y pare-pareho ang nalalaman sa salaysay.
Kaugnay nito’y nanguna si National Security Adviser Eduardo Año na gumawa ng ligal na aksyon kontra sa 18-dating sundalo at iba pa.
Kanyang inireklamo ang mga ito kasama sina Atty. Levito Baligod, at former Cong. Mike Defensor kaugnay sa alegasyon nagdadawit sa kanya sa isyu ng pagtanggap ng ‘paper bag’.
Partikular niyang inihain ang reklamong paglabag sa Republic Act 154 ng Revised Penal Code o Unlawful use of means of publication and unlawful utterances at RA 1075 o Cybercrime Prevention Act of 2012 laban sa mga nabanggit.
Kung kaya’t mariing itinanggi at pinabulaanan ng opisyal ang akusasyon at paratang na ibinabato sa kanya.
Bukod sa kanya idinawit rin ng grupo ang iba pang mga opisyal, 7 rito ay senador pati mga mambabatas kasama si former Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo.
Sa isang panayam sa ilang dating sundalo, kanilang pinanindigan naghatid ng mga maleta puno ng pera sa bahay ng idinawit na dating kongresista.
May mga larawan itong ipinakita sa ‘affidavit’ at makatitiyak pa umanong pagmamay-ari nito ang bahay.
Base sa ‘joint-affidavit’, sinasabing laman ng isang malaking maleta na idinedeliver ay higit-kumulang 50-70-milyon piso halaga habang ang maliliit nama’y nasa 15-25-milyon piso.
Si Quimbo ay naging chairperson ng House Appropriations Committee matapos magbitiw ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at miyembro ng tinawag na ‘small committee’ kung saan naisyu ng insertions sa national budget ng 2025.
Kung kaya’t kasunod ng mga rebelasyon at paratang ng mga dating sundalo, ang National Bureau of Investigation ay ipatatawag na lamang ang mga ito upang ipasumite ang magkakahiwalay na testimonya ukol sa mga alegasyon nagdadawit sa ilang mga opisyal ng pamahalaan.
















