-- Advertisements --

Nasa apat na pagkamatay ang naitala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay ng pagdiriwang ng Kapiyestahan ng Poong Hesus Nazareno ngayong 2026, mula Enero 9 hanggang Enero 10.

Ayon kay NCRPO Director Major General Anthony Aberin, batay sa paunang ulat ay may apat na nasawi, bagama’t kailangan pa itong kumpirmahin.

Kabilang sa mga nasawi ang 55 anyos na photojournalist na si Itoh Son, na nag-collapse sa Manila Police District Ermita Station malapit sa Quirino Grandstand ilang oras bago magsimula ang Traslacion.

Nauna nang kinumpirma ng NCRPO ang dalawa pang pagkamatay habang isinasagawa ang prusisyon, ngunit hindi agad nagbigay ng detalye.

Samantala, ayon sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center, tatlo sa mga pasyenteng dinala sa ospital sa kasagsagan ng Traslacion ang nasawi.

Hindi pa malinaw kung ang mga pagkamatay na ito ay magkakapareho sa mga bilang ng NCRPO at ng ospital.

Matatandaan na ang Traslacion ng imahen ng Poong Nazareno mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church ay tumagal ng 30 oras at 50 minuto, mula alas-4 ng umaga ng Enero 9 hanggang alas-10:50 ng umaga ng Enero 10, na siyang pinakamahaba sa kasaysayan.