-- Advertisements --

Matagumpay ng naibalik sa loob ng Menor Basilika at Pambansang Dambana ng Jesus Nazareno ang imahe at andas ng Poon ngayong araw.

Ilang minuto bago sumapit ang alas-onse ng umaga, ganap nang nakapasok sa simbahan ng Quiapo ang imahe ng Nazareno at tuluyang natapos ang Traslacion 2026.

Sa kasaysayan ng naturang pagsasagawa ng prusisyon, ngayong taon ang maituturing na pinakamahaba o pinakamatagal na Traslacion.

Buhat nang mag-umpisa ito kahapon, ika-siyam ng Enero sa Quirino Grandstand, sa oras na alas-kwatro ng madaling araw, umabot sa 30-oras at 50-minuto bago nakarating pabalik ng Simbahan.

Kung pagbabasehan ang mga nakaraan rekord, nalagpasan nito ang haba ng nasa 22-oras noong taon 2012 at 2017.

Kaya naman sa pagbabalik ng Poong Jesus Nazareno, ito’y ikinagalak lalo na ng mga deboto matiyagang naghintay sa simbahan.

Ayon kay Rev. Fr. Robert Arellano, LRMS, ang Parochial VIcar ng Quiapo Church, isa sa mga dahil ng mahaba at mabagal na Traslacion ay ang pagsampa ng mga deboto sa mismong andas.

Ito’y sa kabila ng panawagan ng simbahan sa mga ito na pigilan at ipinagbabawal na ang pagsampa o ang pag-akyat at talon sa andas ng Poon.

Dagdag pa ng naturang pari, bukod sa ayaw papigil na pagsampa ng mga deboto sa andas, isa rin sa mga pangunahin dahilan kung bakit tumagal ang Traslacion ay ang pagsalubong sa rutang tinahak nito.

Ang ilang mga grupo kasi ay imbes na tumulak mula sa likod, kanila pang sinalubong mula sa harapan ang andas ng Poon, dahilan para mahirapan na ito’y umusad.