-- Advertisements --

Minaliit ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang kumakalat na “unsigned affidavit” ng 18 indibidwal na nagpapakilalang mga dating miyembro ng Philippine Marines, at tinawag itong isang “script ng drama skit” na layon lamang manira ng reputasyon.

Hinimok ni Barbers, na nagsilbing lead chair ng House Quad Committee, ang abogado ng grupo na si Atty. Levi Baligod na lagyan ng pirma at ipanotaryo ang mga pahayag ng kanyang mga kliyente upang magkaroon ito ng legal na bigat.

Ayon kay Barbers, ang isang unsigned affidavit ay itinuturing na “scrap of paper” o basura lamang sa ilalim ng batas.

Kinuwestiyon ni Barbers kung tunay bang mga sundalo ang mga lumutang, at tinawag silang “mercenaries” o mga bayaran na naghahanap lamang ng pagkakakitaan.

Inilarawan ng dating mambabatas ang mga alegasyon bilang isang “zarzuela” na naglalayong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa ICC proceedings laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa impeachment track ni Vice President Sara Duterte.

Nagbabala rin ang mga lider ng Kamara na ang paglalabas ng mga ganitong walang basehang akusasyon ay may malalang epekto sa integridad ng mga institusyon at personal na reputasyon ng mga opisyal na idinadawit sa isyu.