Inakusahan ni dating Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers , ang Commission on Human Rights (CHR) ng hindi tamang “posturing” o pagpapakita ng suporta sa karapatan ng mga naarestong kabataang lumabag sa batas noong rally na “Baha sa Luneta” noong Setyembre 21. Ang rally ay protesta laban sa katiwalian kaugnay ng multi-bilyong flood control anomaly.
Sinabi ni Barbers na bagamat tungkulin ng CHR na protektahan ang karapatan ng bawat tao laban sa posibleng paglabag ng Estado, maaari nitong hikayatin ang mga kabataang gumagawa ng kaguluhan (hooliganism) sa hinaharap.
Ang hooliganism ay kilos na gulo, kaguluhan, pananakot, o paninira, lalo na sa mga protesta o sporting events.
Aniya, kung poprotektahan ng CHR ang mga “masked hooligans” na nakitang gumagawa ng karahasan sa Luneta Park, Ayala Bridge, at Chino Roces Bridge, mapapalakas nito ang ganitong klase ng kaguluhan.
Hinimok naman ni Barbers ang PNP, lalo na ang MPD, na hikayatin ang mga kamag-anak ng mga naarestong kabataan na payagang sumailalim ang mga ito sa voluntary drug test, hindi para maparusahan, kundi para sa rehabilitasyon.
Sinabi ni Barbers na marami sa mga batang ito ay hindi normal ang kilos at posibleng gumagamit ng droga tulad ng shabu at rugby.
Ayon sa mga ulat, binayaran umano ng tig-₱3,000 ang mga ito para lumahok sa kaguluhan.
Ang mga suspek ay unang nagsindi ng container van sa ilalim ng Ayala Bridge at naghagis ng mga bato sa mga awtoridad, pagkatapos ay nagtungo sa Mendiola kung saan nagsagawa sila ng paninira at pag-atake gamit ang bato, barricades, basong bote, Molotov bombs, at mga mabahong likido.
Ayon kay Barbers, base sa mga kuha sa TV at social media, may ibang layunin ang mga suspek bukod sa protesta—ito ay ang pagsunog at pagsalakay sa Malacañang.