Tinutulan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang panawagan sa militar na bawiin ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang forum, ibinunyag ng AFP chief na may ilang retiradong opisyal mula sa Sandatahang Lakas ang lumapit sa kaniya at sinusubukan ding kumbinsihin ang ilang batang mga opisyal at commanders na makialam sa iba’t ibang paraan ng military interventions na posibleng sa pamamagitan ng kudeta o military junta para “i-reset ang buong Philippine society” o bawiin ang suporta sa Pangulo.
Nangyari ang naturang hakbang ng anti-Marcos bago ang isinagawang malawakang anti-corruption protest noong Setyembre 21 kasunod ng nabulgar na mga anomaliya sa flood control projects.
Subalit ayon sa AFP chief, walang ganitong mga aktibidad ang naganao sa kasagsagan ng protesta.
Ayon kay Brwaner, bilang isang chief of staff, kumpiyansa siyang walang miyembro ng AFP ang makikinig sa panawagan ng ilang mga sektor, o indibidwal para makialam dahil sa propesyunalismo na mayroon ang Sandatahang Lakas.
Bagamat may mga ganitong panawagan sa kasagsagan ng rallies, ipinaabot aniya nila ito sa Pangulo bilang Commander-in-Chief at hindi naman aniya natinag ang tiwala ng Pangulo sa AFP.
Matatandaan, nauna ng pinabulaanan ng Department of National Defense (DND) ang mga agam-agam kaugnay sa posibleng nilulutong kudeta ng militar laban sa administrasyong Marcos.
Iginiit ni Defense Sec. Gilbert Teodoro na walang nagbalak sa AFP na gawin ito.