-- Advertisements --

Naghain ng motion to quash ang kampo ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Sandiganbayan upang ipabasura ang kasong malversation laban sa kanya

Ayon sa depensa, depektibo umano ang impormasyon dahil wala siyang kustodiya o kontrol sa pondong sinasabing nawaldas, at hindi rin siya isang accountable officer.

Ang mosyon ang naging batayan ng Sandiganbayan Third Division sa pagpapaliban ng arraignment at pre-trial ni Revilla sa Pebrero 9.

Kaugnay ito ng mga kasong graft at malversation na may kaugnayan sa umano’y maanomaliyang P92.8 milyong flood control project sa Bulacan.

Ayon kay Associate Justice Karl Miranda, sinusuri ng korte ang argumento ng depensa na walang malinaw na sabwatan o common criminal design na nakasaad sa reklamo, at hindi rin malinaw kung paano iniugnay ang 2025 General Appropriations Act sa sinasabing paglustay ng pondo at pamemeke ng dokumento.

Matatandaan, batay sa testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee nina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at Engineer Henry Alcantara, sangkot umano si Revilla sa paglihis ng pondo ng flood control projects sa Bulacan, kabilang ang sinasabing milyon-milyong pisong kickbacks, subalit mariing itinanggi ng kampo ni Revilla ang mga paratang.

Kasalukuyan ngang nahaharap sa kasong graft at malversation sa Sandiganbayan si Revilla at anim na iba pa. Habang wala pang desisyon ang korte, mananatiling nakakulong ang dating Senador sa New Quezon City Jail sa Payatas, habang nakabinbin pa rin ang kanyang kahilingang ilipat sa Camp Crame dahil sa umano’y banta sa seguridad.