-- Advertisements --

Binatikos ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ang House of Representatives matapos tanggihan ang ikatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa isang statement, sinabi ng mambabatas na paglabag sa Saligang Batas at insulto sa publiko ang naging aksiyon ng Kamara.

Giit niya, hindi katanggap-tanggap ang paliwanag na hindi matanggap ang reklamo dahil wala ang Secretary General sa bansa, dahil maaari naman itong tanggapin ng awtorisadong tauhan sa opisina.

Aniya, hindi simpleng isyu ng proseso ang pagtanggi kundi sadyang pagtatangkang protektahan ang Pangulo. Ang impeachment aniya ay tungkulin ng Kamara at hindi pribilehiyo.

Nagpahayag din si Duterte ng pagkabahala dahil ito na ang ikalawang pagkakataon na tinanggihan ng Kamara ang impeachment complaint, matapos ang reklamo ng Duterte Youth party-list noong nakaraang taon.

Babala din ng mambabatas na ang pagharang sa lehitimong kaso gamit ang “mahihinang dahilan” ay magpapahina sa tiwala ng publiko at magdudulot ng hinala sa pamunuan ng Kamara.

Sa huli, iginiit ng kongresista na dapat tumindig ang Kamara, gampanan ang tungkulin nito, at igalang ang Saligang Batas.