LAOAG CITY – Matagumpay na nailunsad ang PBBM Gabay ng Bayan Program sa Ilocos Norte Centennial Arena.
Ayon kay Department of Education Sec. Sonny Angara, malaking tulong ito para sa mga guro lalo na’t may pondong inilaan mula sa gobyerno para sa taong 2025 at 2026.
Aniya, sa programang ito ay magiging mas mabilis ang mga mag-aaral dahil hindi na nila kailangang ulitin ang mga asignatura.
Ipinaliwanag niya na lahat ng gusto nilang kunin, vocational man o academic, ay maaari nilang pagsabayin sa bagong Senior High School program.
Sinabi ni Sec. Angara na maaaring mag-apply ng scholarship para dito kahit na may kasalukuyang scholarship ang isang estudyante.
Kaugnay nito, ipinaalam ni Dr. Shirley Agrupis, Chairperson ng Commission on Higher Education na walang maiiwan na mag-aaral sa merit-based.
Aniya, ang Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program ay isang paraan upang matupad ang pangarap ng isang mag-aaral na makapag-enroll sa mga priority program sa pribado man o pampublikong paaralan.
Ang mga programang maaaring kunin ng mga mag-aaral ay nauugnay sa agriculture, education, healthcare, financial, engineering at iba pa.
Idinagdag niya na ang mga kwalipikasyon ay dapat na isang graduate na kabilang sa top 5, mula sa isang low-middle class na pamilya at magre-return service sa Pilipinas.
Samantala, inihatid ni Ilocos Norte 1st District Rep. at Presidential Son Sandro Marcos ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos mabigong dumalo sa naturang event.
















