-- Advertisements --

Matapos ideklara bilang certified urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., asahan na ang mabilisang pag-apruba ng Senado sa susunod na linggo sa panukalang magbibigay ng emergency power sa ehekutibo upang pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ang minamadaling lehislasyon ay direktang tugon ng pamahalaan upang apulahin ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng lumalalang tensyon sa Middle East.

Ayon kina Senate President Vicente Sotto III at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, pangunahing prayoridad ngayon ng Mataas na Kapulungan ang nasabing hakbang, kaya’t titiyakin nilang makakalusot ito nang mabilis.

Dahil may basbas na urgent bill mula sa Palasyo, awtomatiko nang hindi saklaw ng 3-day rule ang lehislasyon.

Ibig sabihin, ligal na maaaring isalang at aprubahan ng mga senador ang panukala sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob lamang ng iisang araw.

Sa panig naman ng komite, inihayag ni Senate Committee on Ways and Means Chairperson Sen. Pia Cayetano na lusot na in principle ang panukala sa kanilang lebel.

Sa ngayon, naka-antabay na lamang ang Senado sa papasok na bersyon ng Kamara de Representantes upang tuluyan na itong matalakay at pagbotohan sa Senate plenary.