Tiniyak ni Executive Secretary Ralph Recto ang suporta ng Marcos Jr, administration sa mga Local Government Units (LGUs).
Ginawa ni Recto ang pahayag ng dumalo ito sa 2026 General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) noong March 10,2026 na ginanap sa Marriott Hotel sa Pasay City bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kanyang talumpati, muling tiniyak ni Recto ang patuloy na suporta ng administrasyong Marcos sa mga local government unit (LGU), lalo na sa pagpapalakas ng kanilang kakayahan sa paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran sa mga lalawigan at munisipalidad.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang LMP, sa pangunguna ni National President Mayor Faustino “Inno” Dy V, sa inilunsad na Local Government Support Fund ng administrasyon.
Ayon sa LMP, malaking tulong ang pondo upang makapagpatupad ang mga munisipyo ng mga proyektong pang-imprastraktura, mapabuti ang mga serbisyong panlipunan, at masuportahan ang mga programang pangkaunlaran sa kanilang mga nasasakupan.
Samantala, inilahad din ng LMP kay Recto ang kanilang mga rekomendasyon kaugnay ng mga panukalang reporma sa Local Government Code, na layong higit pang mapalakas ang kapangyarihan at kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa pamamahala at paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.
















