-- Advertisements --

Dumating na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaninang umaga ang isang government-chartered flight na nagsundo sa mga distressed at stranded na overseas Filipino workers (OFWs) mula Riyadh, Saudi Arabia.

Sakay ng Philippine Airlines flight PR8502 ang kabuuang 343 pasahero, na kinabibilangan ng 328 adult OFWs, 11 batang higit sa dalawang taong gulang, dalawang batang wala pang dalawang taong gulang, at dalawang escorts.

Lumapag ang naturang flight sa NAIA bandang alas-6:35 ng umaga batay sa ng Malacañang.

Sa kanilang pagdating sa bansa, agad silang sinalubong at inasikaso ng mga team mula sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at iba pang partner agencies upang matiyak ang maayos na proseso ng kanilang pagdating at agarang tulong.

Kabilang sa ibinigay na assistance sa mga OFW ang transportation at hotel accommodation para sa mga uuwi sa kanilang mga probinsya, pagkain at inumin habang naghihintay, at financial assistance.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, bahagi ang pagdating ng mga OFW sa nagpapatuloy na repatriation efforts ng pamahalaan para sa mga Pilipino sa Gitnang Silangan sa gitna ng umiiral na tensyon sa rehiyon.

Ito na ang ikalawang batch ng mga repatriates mula sa Gitnang Silangan. Ang unang flight na may sakay na mga Pilipinong nirepatriate mula Dubai ay dumating sa bansa noong Marso 5.