-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Cebu Gov. Pamela Baricuatro ang paratang na may “backdoor deal” sa planong tax compromise sa isang malaking cement company sa lalawigan.

Sa isang matapang na pahayag, pinuna ni Baricuatro si Vice Gov. Glenn Anthony Soco at tinawag ang kanyang mga batikos na “hypocrisy” matapos kuwestiyunin ng bise gobernador ang panukalang settlement sa tax liability ng Apo Land and Quarry Corporation.

Ayon sa gobernadora, ang panukalang compromise na magbabawas sa P1.218 billion buwis ng kumpanya sa P211.56 milyon ay hindi mula sa Kapitolyo kundi mismong mungkahi ng kumpanya at kailangan pang aprubahan ng Cebu Provincial Board bago maging pinal.

Binigyang-diin pa nito na walang katotohanan ang alegasyong may special treatment o “backdoor deal” sa kasunduan.

Ipinunto pa ng opisyal na noong 2023, sinuportahan din ni Soco ang isang kaparehong compromise settlement sa buwis ng Dolomite Mining Corporation na nakabase sa bayan ng Alcoy.

Sa ilalim pa ng naturang kasunduan ng nakaraang administrasyon, bumaba ang obligasyon ng kumpanya mula humigit-kumulang P855 milyon hanggang P56 milyon sa pamamagitan ng isang ordinansa—na ayon sa gobernadora ay mismong si Soco ang nanguna sa pagbalangkas.

Iginiit ni Baricuatro na kung pananagutan ang pag-uusapan, handa siyang lumaban.