-- Advertisements --

Nagbabala si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na maaaring malagay sa alanganin ang Commission on Appointments (CA) kung sakaling baguhin nito ang opisyal na record ng pagdinig noong Pebrero 4, na naglalaman ng kontrobersyal na pahayag ni Senator Rodante Marcoleta tungkol sa umano’y pagsuko sa Kalayaan Island Group sa Palawan.

Ayon kay Lacson, maaaring masaklaw ng falsification of legislative documents ang naturang hakbang kung babaguhin ang opisyal na tala ng pagdinig. May kaukulang parusa ito sa ilalim ng Revised Penal Code of the Philippines, partikular sa Article 170, laban sa sinumang magbabago ng mga dokumentong lehislatibo nang walang sapat na awtoridad.

Ipinaliwanag ng senador na sa ilalim ng Article 170, maaaring patawan ng prisión correccional hanggang maximum period at multang P1.2 milyon ang sinumang magbabago ng isang panukalang batas, resolusyon, o mga pinagtibay na ordinansa, maging sa Kongreso o sa mga lokal na konseho.

Sa kasalukuyan, nakabinbin pa ang mosyon ni Marcoleta na baguhin ang bahagi ng record ng pagdinig, at ito ay ipinadala na sa Committee on Rules ng Commission on Appointments para sa pagsusuri.

Samantala, pinaabot na umano ni Lacson ang kaniyang pangamba kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na siya ring Chairman ng Commission on Appointments.