-- Advertisements --

Tumanggi muna ang kampo ni dating Rep. Mike Defensor na ilabas ang pangalan ng mga mambabatas na nakahandang mag-endorso sa impeachment complaint na inihanda laban kay Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Nanindigan ang dating mambabatas na mayroong kongresista na handang magsulong ng complaint sa Kamara ngunit noong malaman umano nila ang nangyari sa ikalwang impeachment complaint na inihain ng Makabayan Coalition, sinabihan umano nila ang hindi na tinukoy na kongresista na huwag na munang magpakita.

Aminado ang dating mambabatas na mahirap ang proseso ng pag-impeach sa isang pangulo, at hindi rin basta-basta lang ang pag-endorso ng mga kongresista.

Bagaman dati nang napabalitang hanggang tatlong mambabatas na mag-eendorso sa naturang complaint, hindi rin kinumpirma ni Defensor kung ilan ang mga ito.

Samantala, sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo Philippines kay dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na kasama sa grupo ni Defensor, sinabi ng dating gobernador na hindi pa niya alam kung sino ang kongresistang mage-endoro sa complaint.

Paliwanag ng dating gobernador, pumirma lamang siya sa mga dokumentong nakapaloob sa complaint

Matatandaang hindi tinanggap ng Kamara ang naturang reklamo (3rd complaint) sa kadahilanang nasa Taiwan si House Secretary General Cheloy garafil.

Naniniwala si Singson na sinadya talaga ng kasalukuyang administrasyon na maghain ng isang mahinang impeachment complaint laban sa pangulo upang hindi na umusad pa ang mas mabibigat na complaint.