-- Advertisements --

Inaprubahan ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pansamantalang suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag may biglaang pagtaas ng presyo ng langis.

Sa ilalim ng House Bill No. 8418, layunin ng panukala na agad makapagbigay ng ginhawa sa mga mamamayan kapag tumataas ang gastos sa transportasyon, pagkain at iba pang pangunahing bilihin dahil sa pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa mga may-akda ng panukala, kabilang sina Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, magsisilbi itong mabilis na mekanismo ng pamahalaan upang tugunan ang matinding paggalaw ng presyo ng langis nang hindi na kinakailangang maghintay pa ng bagong batas sa gitna ng krisis.

Pinapayagan ng panukala ang Pangulo na gamitin ang kapangyarihang ito kung matutupad ang alinman sa dalawang kondisyon: kapag umabot o lumampas sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan, o kung may idineklarang state of national emergency o kalamidad na nagdudulot ng hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.

Ayon sa panukala, maaaring ganap na suspendihin o bahagyang bawasan ang excise tax sa mga piling produktong petrolyo, depende sa lawak ng pagtaas ng presyo at sa kinakailangang tulong sa publiko.

Nilinaw din ng Kamara na may mga limitasyon ang kapangyarihang ito. 

Maaari lamang ipatupad ang suspensyon o pagbawas ng buwis nang hanggang anim na buwan, at hindi lalampas sa isang taon sa kabuuan maliban kung palawigin o tapusin ng Kongreso sa pamamagitan ng joint resolution.

Kinakailangan ding mag-ulat ang Pangulo sa Kongreso sa loob ng 15 araw matapos ilabas ang kautusan, at magbigay ng buwanang ulat tungkol sa epekto nito sa presyo ng langis, inflation at kita ng pamahalaan.

Ipinagtanggol naman ni Marikina Rep. Miro Quimbo, chair ng House Committee on Ways and Means, ang panukala at sinabing may sapat na mga safeguard ito upang maprotektahan ang mga konsyumer habang pinananatili ang katatagan ng pondo ng pamahalaan. 

Layunin din ng panukala na matiyak na may nakahandang hakbang ang gobyerno laban sa mga krisis sa pandaigdigang suplay ng langis na maaaring magdulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.