-- Advertisements --

Naghain si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ng panukalang batas na naglalayong i-reset ang kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Marso 30, 2026.

Iminumungkahi ng Senate Bill No. 1587, ang pag-amyenda sa Bangsamoro Organic Law (BOL) upang bigyang-linaw ang legal na batayan ng halalan at itakda ang pagsisimula ng termino ng mga mahahalal na opisyal sa Abril 30, 2026. Nakapaloob din dito ang pagsasabay ng mga susunod na halalan sa BARMM sa pambansang halalan sa 2028 at kada tatlong taon pagkatapos nito.

Ayon kay Zubiri, mahigit anim na taon na ang nakalipas mula nang maitatag ang BARMM ngunit hindi pa rin nakakaboto ang mga mamamayan para sa sarili nilang mga lider, bagay na aniya’y salungat sa layunin ng sariling pamamahala at sariling pagpapasya ng rehiyon.

 Dagdag pa ng senador na naging sanhi ng pagkaantala ang mga desisyon ng Korte Suprema na nag-alis sa Sulu bilang bahagi ng BARMM at nagbasura sa 2025 redistricting law ng Bangsamoro Parliament, na nagbunsod ng panibagong paghahanda sa mga distrito at istruktura ng halalan.

Sa ilalim ng panukala, mananatili muna ang Bangsamoro Transition Authority bilang pansamantalang pamahalaan hanggang sa mahalal at makaupo ang mga bagong opisyal sa pamamagitan ng automated election.