-- Advertisements --

Handa umanong tumestigo si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa mga complainant.

Sinabi ni dating Congressman Mike Defensor na bukas si Co na maging witness upang patibayin ang reklamo. Kahit nasa ibang bansa, maaari umano siyang tumestigo sa pamamagitan ng teleconference.

Kabilang umano sa mga batayan ng impeachment ang mga isyu sa national budget at ang umano’y “kidnapping” at pagkulong ng International Criminal Court kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.

Matatandaan si Co ay nagsilbing chairman ng House Committee on Appropriations, subalit nagbitiw noong Setyembre sa gitna ng pagkakaladkad ng kaniyang pangalan sa imbestigasyon ng flood control anomaly.

Subalit, kalaunan inakusahan ng dating mambabatas sina Pangulong Marcos at dating Speaker Martin Romualdez ng bilyong pisong kickback, mga alegasyong mariing itinanggi ng kampo nina PBBM at Romualdez

Hindi tinanggap ng Office of the Secretary General ng Kamara ang reklamo noong Huwebes dahil wala umano sa bansa ang Secretary General. Dahil dito, sinabi ni Defensor na magsasampa sila ng kaso laban sa nasabing tanggapan habang pinag-aaralan ang susunod na hakbang.