Kampante si Caloocan City Rep. Egay Erice na maaaring pagsabayin ang dalawang magkaibang impeachment complaint sa Kamara de Representantes.
Una kasing naihain ang reklamo laban kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. habang inaasahan ding mayroong maghahain ng complaint laban kay VP Sara Duterte pagsapit ng Pebrero.
Ayon kay Erice, kung pagsabayin man ng Kamara na dinggin ang merito ng dalawang reklamo, maaari lamang itong gawin ng mga mambabatas.
Hindi lamang aniya maaaring pagsabayin sa pareho o iisang takdang oras at sa halip ay maaari itong isagawa sa magkahiwalay na araw ngunit magkaparehong linggo o buwan.
Naniniwala si Rep. Erice na kung gugustuhin ng liderato ng Kamara ay magagawa ang naturang set-up.
Natanong din ang mambabatas kung lalong hihina ang ekonomiya ng bansa dahil sa dalawang posibleng magkasabay na impeachment complaint laban sa pinakamatataas na opisyal ng bansa.
Ayon kay Erice, matagal nang mahina ang ekonomiya ng Pilipinas sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, dahil sa nabunyag na iskandalong bumabalot sa mga public infrastructure project.
















