-- Advertisements --

Hindi bababa sa limang barko ang inatake sa Persian Gulf at Strait of Hormuz matapos umanong salakayin ng mga bangkang may kargang eksplosibo mula Iran ang dalawang fuel tanker sa karagatang sakop ng Iraq, ayon sa mga opisyal sa pantalan at mga kompanya ng maritime security.

Nasunog ang dalawang tanker at isang crew member ang nasawi, habang patuloy na hinahanap ng mga rescue team ang iba pang nawawala.

Ayon sa mga ulat, kabilang sa mga barkong tinamaan ang Safesea Vishnu at Zefyros, na parehong may kargang fuel mula Iraq.

Itinuturing ang insidente bilang paglala ng tensyon sa pagitan ng Iran at mga pwersa ng United States–Israel, kung saan umabot na sa 16 barko ang napinsala mula nang magsimula ang mga pag-atake noong Pebrero 28.

Dahil sa patuloy na kaguluhan sa Strait of Hormuz, na dinadaanan ng halos isang-kapat ng suplay ng langis sa mundo, halos tumigil na ang shipping sa lugar.

Nagdulot ito ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na umabot sa pinakamataas na antas mula noong 2022.