Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga Pilipino na maging mapagmatiyag laban sa pagsubok na baluktutin ang hustisiya kasabay ng unang anibersaryo ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw, Marso 11.
Sa kaniyang mensahe, binigyang din ng Bise President na isang paalala ang extraordinary rendition o kidnapping sa dating Pangulo na hindi dapat gamiting sandata ang batas para sa pulitika o personal na interes.
Aniya, maituturing na pag-atake sa katarungan ang pagyurak sa karapatan ng isang indibidwal.
Kaugnay nito, umapela ang Pangalawang Pangulo sa mga Pilipino na manatiling malaya, tapat at matatag sa institusyon at walang sinuman aniya ang dapat na pagkaitan ng proteksiyon ng batas.
Matatandaan, noong Marso 11, 2025 nang arestuhin si dating Pangulong Duterte pagkarating pa lamang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 mula sa Hong Kong sa bisa ng isinilbing arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa inaakusang crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng kaniyang administrasyon.
















